Inaasahang mag-iisyu ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga responsable sa kontrobersyal na pet crematorium na nasangkot sa umano’y pagtatapon ng mga labi ng mga hayop sa San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, maaari nilang ipatawag ang mga indibidwal na sangkot upang hingan ng mga kinakailangang dokumento kaugnay ng kaso.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng kawanihan. Nakausap na rin mismo ni Matibag ang ilang pet owners na naghain ng reklamo, gayundin ang mga kinatawan ng mga non-government organization.
Patuloy rin ang pangangalap ng ebidensya, pagsusuri sa mga video footage at paghahanda sa pagbisita sa mga lugar na may kaugnayan sa insidente.
Posible ring maharap sa iba’t ibang kaso ang mga nasa likod ng pet crematorium, kabilang ang betrayal of public trust, estafa at paglabag sa mga batas pangkalikasan.
Samantala, ibinahagi ni Bacoor City Mayor Strike Revilla na mahigit 200 complainants na ang natanggap ng pulisya sa kanilang lungsod kaugnay ng naturang kontrobersiya.
Tiniyak naman ng alkalde na gagawin nila ang lahat upang hindi na maulit ang insidente.
Inihayag din ni Revilla ang plano ng pamahalaang lungsod na magkaroon ng sariling pet crematorium upang makapagbigay ng maayos, mapagkakatiwalaan at abot-kayang serbisyo para sa mga alagang hayop.











