Arestado ang dalawang magkapatid sa pagbebenta ng ilegal na sigarilyo sa Aritao, Nueva Vizcaya.
Ang mga suspek ay itinago sa alias na Tito, 48-anyos; at alias Joy, 55-anyos, kapwa residente ng Purok Sampaguita, Tucanon, Aritao, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jake Goles, Force Commander ng 2nd Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company, sinabi niya na matagal na nilang minamanmanan ang mga suspek matapos may magpaalam sa kanilang himpilan kaugnay sa ilegal na gawain ng dalawa.
Nagsagawa aniya sila ng test buy at dito nagpositibo na sila nga ay nagbebenta ng ilegal na sigarilyo dahilan upang magsagawa sila ng operasyon katuwang ang Aritao Police Station, and Provincial Intelligence Unit ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office.
Ito ay nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek at pagkakasamsam ng 267 rims ng sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱106, 800, 000.
Isinagawa ang operasyon sa harapan ng tindahan na pagmamay-ari ni Joy kung saan nagsisilbing assistant nito ang kaniyang kapatid na si Tito sa pagtitinda.
Aminado naman umano ang dalawa na ilegal ang kanilang pagbebenta.
Hindi pa matukoy sa ngayon kung saan nagmumula ang mga ilegal na sigarilyo na isinusuplay sa kanila dahil batay sa mga suspek, ang mga ito ay ibinabagsak lamang sa kanila gamit ang paiba-ibang mga sasakyan.
Ayon kay PMaj. Goles, nagsasagawa na ang kanilang hanay ng backtracking upang ma-trace kung sino ang supplier ng mga ito.
Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa violation of RA 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.
Ito ang unang pagkakataon ngayong 2026 na nagsagawa ang kanilang hanay ng ganitong klase ng operasyon.





