--Ads--

Umabot na sa 100 pasyente ang naasikaso ng Philippine Red Cross (PRC) sa kanilang medical at welfare operations kaugnay ng Feast of the Nazarene sa Maynila nitong umaga ng Biyernes, Enero 9, 2026. Ayon sa PRC, 58 indibidwal ang sumailalim sa vital signs monitoring habang 34 ang nakaranas ng minor injuries tulad ng pagkahilo, gasgas, sugat, at pilay. Limang kaso naman ang itinuring major incident, kabilang ang mga may malalalim na sugat.

Tatlong pasyente ang kinailangang dalhin sa ospital, kung saan dalawa ang inilipat sa Philippine General Hospital at isa sa East Avenue Medical Center. Sa welfare service, 16 na indibidwal ang nabigyan ng tulong, kabilang ang 11 na tumanggap ng psychosocial support at apat na isinailalim sa referral.

Samantala, sa itinayong Emergency Field Hospital ng PRC sa KKK Monument, 15 pasiyente ang naasikaso. Labintatlo sa mga ito ay minor cases habang dalawa ang inilipat sa ibang ospital. Anim sa mga pasiyente ay walk-in, siyam ang dinala ng PRC ambulansya, at isa ang mula sa ibang grupo. Sa kasalukuyan, 10 pasiyente ang aktibo, apat ang nakalabas na, at dalawa ang nailipat sa ibang ospital.

Upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto, nag-deploy ang PRC ng isang command post, 17 first aid stations, 10 welfare desks, anim na foot patrol units, isang emergency field hospital, 19 ambulansya, tatlong service vehicles, siyam na Medic on Wheels, tatlong rescue boats sa Ilog Pasig, at isang Humvee. Kabuuang 2,000 staff at volunteers ang nakatalaga sa buong operasyon.

--Ads--

Ayon sa PRC Safety Services and Operations Center, patuloy ang kanilang pagbabantay at pagbibigay ng agarang tulong upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng lumalahok sa Traslacion.