--Ads--

Isang lalaki ang nasawi matapos siyang kagatin at lingkisin ng isang dambuhalang sawa sa Barangay Bolilao, Mandurriao District nitong Linggo ng madaling araw, Enero 11.

Ang biktima (hindi na pinangalanan) ay natagpuan sa isang dike ng mga residente bandang 4:30 a.m. nang marinig nila ang malakas na kalabog. Natagpuan nila ang sawa na nakapulupot sa katawan ng biktima. Sinubukan pa ng mga kapitbahay na paluin ang sawa at palayain ang biktima, ngunit idineklarang patay ng mga rumespondeng rescuers.

Ayon kay Police Capt. Val Cambel ng Mandurriao Police Station, posibleng hindi nakita ng biktima ang sawa at aksidenteng naapakan, na nagdulot ng pagkagat at kalaunan ay paglingkis sa kanya hanggang sa mawalan siya ng malay.

Ipinahayag ng mga residente na karaniwan nang makakita ng mga sawa sa paligid ng Bolilao Creek, lalo na tuwing high tide, ngunit ito ang unang insidente ng pagkamatay ng tao sa nasabing lugar dahil sa ahas.

--Ads--

Ang trahedyang ito ay paalala sa publiko na maging maingat sa mga lugar na malapit sa tirahan ng malalaking hayop at iwasan ang panganib lalo na sa madaling araw o sa madilim na paligid.