Nag-plead ng not guilty si Sarah Discaya, may-ari ng St. Timothy Construction, at si Maria Roma Rimando, pangulo ng kumpanya, kasama ang walong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Davao Occidental District Engineering Office, sa kanilang arraignment kahapon sa Regional Trial Court (RTC) Branch 27 sa Lapu-Lapu City.
Nahaharap ang grupo sa kasong graft at malversation of public funds sa pamamagitan ng falsification of commercial documents kaugnay ng umano’y ₱96.5-milyong ghost flood control project sa Davao Occidental.
Kabilang sa mga opisyal ng DPWH na kinasuhan sina Rodrigo Larete, Michael Awa, Joel Lumogdang, Harold John Villaver, Jafael Faunillian, Josephine Valdez, Ranulfo Flores, at Czar Ryan Ubungen.
Ito ang unang pagkakataon na humarap nang personal ang mga akusado sa hukuman sa ilalim ni Judge Nelson Leyco. Noong Enero 5, dumalo sila sa online hearing upang ihain ang kanilang motion to quash, iginiit na hindi sakop ng Supreme Court OCA Circular No. 328-2025 ang kanilang kaso.
Gayunman, tinanggihan ni Judge Leyco ang mosyon at itinakda na sa RTC Branch 27 sa Lapu-Lapu City magpapatuloy ang paglilitis.
Bago ang arraignment, humiling ang mga abogado nina Discaya at ng mga opisyal ng DPWH na ipagpaliban ang proseso dahil kahapon lamang nila natanggap ang kautusan sa pagtanggi ng mosyon.
Ayon kay Atty. Joseph Randi Torregosa, wala umanong hurisdiksiyon ang korte sa Lapu-Lapu sa naturang kaso. Nakatakda silang magsumite ng motion for reconsideration o petition for certiorari.
Samantala, naghain naman ng petition for bail at mosyon para sa ocular inspection si Atty. Cornelio Samaniego, abogado ni Rimando. Iginiit niyang umiiral at naitayo ang flood control project sa Barangay Culaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Dagdag pa ni Torregosa, magsusumite rin ng kani-kaniyang petition for bail ang iba pang abogado ng mga akusado.
Matatandaan na naglabas ng kautusan ang korte ng preventive suspension laban sa pitong opisyal ng DPWH dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act). Hindi kasama si Lumogdang sa suspensyon dahil siya ay nagretiro na noong nakaraang taon.
Samantala, itinakda ang pre-trial conference sa Pebrero 3.











