--Ads--

Pinabulaanan ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang kumakalat na impormasyon na siya ay bumili ng property at ginamit ang pamilya Discaya bilang front.

Ito ang nilinaw ni Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni Romualdez. Ayon sa kanya, walang katotohanan at walang sapat na basehan ang naturang ulat sapagkat wala umanong anumang ugnayan si Romualdez sa pamilya Discaya, at wala rin siyang kinalaman o kaalaman sa sinasabing transaksyon sa bentahan ng nasabing property.

Binigyang-diin din ni Atty. Fajardo ang sinumpaang salaysay ni Curlee Discaya sa mga pagdinig ng Senado at ng Kamara, kung saan malinaw nitong sinabi na hindi siya nagkaroon ng anumang direktang transaksyon kay Romualdez. Posible rin umanong may ibang taong gumagamit lamang ng pangalan ni Romualdez.

Tiniyak naman ni Atty. Fajardo na iginagalang ni Romualdez ang mga institutional process at kumpiyansa siya na walang kasalanan ang kongresista basta’t nananatiling patas ang imbestigasyon.

--Ads--