--Ads--

Pinadadali na ng bawat Local Government Unit (LGU) at Department of Trade and Industry ang proseso ng renewal ng business permit sa pamamagitan ng Business One-Stop-Shop sa mga munisipyo.

Ito ay upang hindi lubos na mahirapan ang mga negosyante na pabalik-balik sa mga magkakahiwalay na ahensya para lamang sa isang dokumento lalo na ngayong  panahon ng renewal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Elmer Agorto, Head ng Business Development Division – DTI RO2, sinabi niya na mas pinagtibay pa ang pakikipagtulungan ng DTI sa LGU kung saan ay inilalapit na sa mga negosyante ang serbisyo ng ahensya.

Hindi na aniya kailangan pang mahirapan ang mga kukuha ng DTI permit maging ang mga katanungan at problema ng mga negosyante ay masasagot na sa Business One Stop Shop (BOSS).

--Ads--

Mayroon namang mga kawani ng DTI na itinalaga sa mga LGU simula noong ika-5  hanggang ika- 30 ng Enero.

Matatandaan na naging maganda ang resulta sa lungsod ng Cauayan ng BOSS dahil ang Assessor, DTI, BPLO ay magkakasama na sa isang lugar para tulungan ang mga negosyante.

Paglilinaw ng ahensya na hindi lamang sa Cauayan naihahatid ang ganitong serbisyo kundi maging sa buong Rehiyon 2 na pabor umano sa nakararami.

Samantala, ilan sa mga negosyante ang lubos na natulungan ng Business One Stop Shop dahil hindi na umano time consuming ang paglalakad ng mga dokumento lalo pa at magkakasama na ang mga ahensyang kinakailangan tuwing renewal ng negosyo.