Pinag-aaralan na ng Department of the Interior and Local Government ang pag-aalok ng pabuya na tinatayang P10 milyon para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong magreresulta sa pagkakaaresto kay Charlie ‘Atong’ Ang.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, inaasahang pormal na iaanunsiyo ang reward upang hikayatin si Ang na sumuko at mabigyan ng dagdag na pressure na i-turnover ang sarili sa mga awtoridad.
Batay sa monitoring ng DILG, nananatili pa rin si Ang sa bansa, partikular sa Luzon, kaya patuloy ang kanilang paghahanap. Ipinabatid din ni Remulla na nakaalerto ang mga kapulisan at handa sa posibleng paglaban ni Ang sa oras ng pag-aresto, dahil itinuturing ang negosyante na armado at mapanganib.
Nahaharap si Ang sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention, kabilang na ang kidnapping with homicide, kaugnay ng mga nawawalang sabungero.











