Matagumpay na naaresto sa ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation ng Roxas Municipal Police Station isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga na nagresulta sa pagkakasamsam ng ipinagbabawal na gamot at hindi lisensyadong baril sa NIA Road, Brgy. Simimbaan, Roxas, Isabela.
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Totoy,” 43-anyos, may asawa, isang pintor, at residente ng Brgy. Rang-Ayan, Roxas, Isabela. Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng Roxas MPS sa pakikipagkoordinasyon at tulong ng PDEA.
Sa naturang buy-bust operation, nasamsam mula sa suspek ang may kabuuang 0.65 gramo ng hinihinalang shabu.
Bukod sa ilegal na droga, narekober din mula sa suspek ang isang Unknown Caliber na short firearm pistol na may kasamang dalawang (2) magazine at siyam (9) na bala, na walang kaukulang papeles, malinaw na paglabag sa umiiral na batas. Nasamsam din ang buy-bust money, boodle money, iba’t ibang personal na gamit, isang motorsiklo, at perang cash na hinihinalang ginamit at nakuha mula sa ilegal na aktibidad.
Kasalukuyang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) laban sa suspek.











