--Ads--

Muling ipagpapatuloy ng Philippine Statistics Authority (PSA) Isabela ang National ID registration sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan matapos ang isinagawang dalawang araw na refresher training para sa mga personnel nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSA Isabela Provincial Director Julis Emperador, sinabi niyang katatapos lamang ng training na layong ihanda ang mga kawani sa tamang proseso ng registration upang maiwasan ang pagkaantala. Kasalukuyan nang inihahanda ang mga registration kits na gagamitin sa mga mobile centers na magsisimula sa Enero 19.

Kabilang sa mga bubuksang registration areas ang Mallig, Roxas, San Mariano, Cauayan City, Ilagan, Sta. Maria at Santiago City. Pinaalalahanan ang publiko na magdala ng valid ID, original birth certificate, o barangay certification bilang patunay ng pagkakakilanlan.
Bukas ang National ID registration para sa mga edad 0–4 at 5 taong gulang pataas, bagama’t aminado ang PSA na mababa pa ang bilang ng mga batang rehistrado. Ayon sa PSA, mula sa tinatayang 1.6 milyong populasyon ng Isabela, nasa 1.4 milyon na ang nakapagrehistro, at target na maabot ang natitirang bilang sa mga susunod na buwan.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang deployment sa mga coastal towns gaya ng Palanan, kung saan may itinalagang team para sa pag-iisyu ng National ID.

--Ads--

May target ang bawat personnel na makapagtala ng hindi bababa sa 25 kliyente kada araw upang mas madaling maitala ang bilang ng mga rehistrado. Para naman sa mga dati nang nakapagrehistro, sisikapin ng PSA na i-verify ang kanilang datos sa database para sa mas mabilis na paglabas ng National ID, na ngayon ay naka-decentralize na upang mas mapalapit sa publiko ang releasing centers.