Arestado ang number 1 Most Wanted Person dahil sa labinlimang (15) kaso ng Statutory Rape sa isang pinagsanib na operasyon ng kapulisan sa Aurora, Isabela ngayong araw, Enero 18, 2026.
Kinilala ang suspek na si alyas “Tantan”, 26 taong gulang, binata, laborer, at residente ng Brgy. Kalabaza, Aurora, Isabela.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na tracker teams mula sa Provincial Intelligence Unit at Provincial Drug Enforcement Unit ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office bilang lead unit, katuwang ang Villaverde Municipal Police Station, Regional Intelligence Unit 2 – PIT Nueva Vizcaya, at Aurora Municipal Police Station.
Ipinatupad ng mga awtoridad ang Warrant of Arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 29, Bayombong, Nueva Vizcaya, na walang inirekomendang piyansa.
Matapos ang pagkakaaresto, si alyas “Tantan” ay dinala sa Villaverde Municipal Police Station para sa dokumentasyon at wastong disposisyon bago isumite sa kinauukulang hukuman.










