--Ads--

Arestado ang isang lalaki matapos itong manggulo at masamsaman ng ilegal na droga sa barangay Quezon, Naguilian, Isabela.

Ang suspek ay itinago sa alias na “Jun,” 30-anyos at residente ng nasabing barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ferdinand Datul, Hepe ng Naguilian Police Station, sinabi niya na habang nagsasagawa ng intelligence monitoring ang mga operatiba ng Provicial Intelligence Unit, Provincial Drug Enforcement Unit, at kapulisan ng PNP Naguilian ay namataan nila ang suspek na nag-aamok ng away sa kanilang barangay.

Dahil dito ay sinubukan siyang awatin ng mga awtoridad subalit hindi ito tumalima at naging agresibo pa dahilan upang siya’y arestuhin ng mga awtoridad.

--Ads--

Sa isinagawang body search ng mga kapulisan ay narekober sa kaniyang pag-iingat ang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Ayon kay PMaj. Datul, dati nang may rekord ang suspek sa kanilang himpilan sa kaparehong kaso.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng mga kapulisan hinggil sa insidente pangunahin na kung saan galing ang mga nasamsam na droga sa suspek.

Siya ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Article 151 of the Revised Penal Code o Resistance and disobedience to a person in authority.