Naglabas na ng Show Cause Order ang Land Transportation Office Region 2 laban sa tsuper ng dump truck na nakabangga sa jeep na nagresulta ng pagkamatay at pagkasugat ng maraming pasahero nito. Ang insidente ay naganap sa highway na sakop ng Luna, Isabela.
Makikita sa viral video na ang dump truck ay nawalan ng kontrol at nasakop ang kabilang linya kung saan ang jeep ay mabilis na paparating at hindi na nakaiwas pa sa truck na siyang naging dahilan ng trahedya.
Ang sangkot na driver ay nahaharap sa kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle.
Binibigyan din sya ng tatlong araw mula sa pagkakatanggap ng Show Cause Order para magsumite ng kanyang paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho.
Ayon sa LTO, kung hindi sya makakapagbigay ng paliwanag, ito ay ituturing na pagbabalewala sa kanyang karapatan na madinig ang kanyang panig at ang kaso ay pagpapasyahan ayon sa ebidensyang hawak ng ahensya.
Tiniyak ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao na ang driver ng truck ay mananagot sa mga paglabag sa batas trapiko na nabanggit laban sa kanya.











