--Ads--

Tahasang tinuligsa ni Reina Mercedes Vice Mayor Atty. Harold Respicio ang umano’y pagharang ng Office of the Secretary General ng House of Representatives sa paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Huwebes, ika-22 ng Enero.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Mayor Atty. Harold Respicio, tumanggi umanong tanggapin ng nasabing tanggapan ang impeachment complaint na inihanda ng mga beteranong politiko at eksperto sa impeachment dahil wala umano sa bansa ang Secretary General na nasa Taiwan. Giit niya, malinaw sa patakaran ng Kamara na ang pagtanggap ng impeachment complaint ay isang ministerial duty at hindi maaaring tanggihan, kahit pa wala ang Secretary General, dahil may kapangyarihan ang ikalawang opisyal ng tanggapan na tumanggap nito.

Binigyang-diin ni Vice Mayor Atty. Respicio na huling araw sana ng paghahain ng impeachment complaint ang naturang petsa, matapos maunang maisampa noong Lunes ang isang apat na pahinang reklamo na aniya’y kulang sa detalye at ebidensya. Kapag ito ay agad na nirefer sa Committee on Justice, papasok ang one-year bar rule na magbabawal sa paghahain ng panibagong impeachment complaint laban sa Pangulo sa loob ng isang taon.

Dahil sa umano’y sinadyang pagharang, sinabi ni Vice Mayor Atty. Respicio na nagkaroon na ng legal at teknikal na tender of filing na sapat upang maituring na naisampa ang reklamo, kaya’t nakatakdang managot sa Korte Suprema ang Secretary General at ang kanyang deputy.

--Ads--

Ang impeachment complaint ay nakabatay umano sa mga alegasyon ng malawakang korapsyon, kabilang ang paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, at betrayal of public trust, partikular ang paggamit ng unprogrammed funds at ilegal na alokasyon ng pondo na may mga umiiral nang desisyon ng Korte Suprema.

Ilang araw umano itong inihanda katuwang ang mga beteranong personalidad sa pulitika at batas tulad nina dating Congressman Mike Defensor, dating Governor Chavit Singson, at Atty. Bernie Topacio.

Mariing itinanggi ni Vice Mayor Atty. Respicio ang pagiging kaalyado ng alinmang political bloc at iginiit na ang kanilang pagkilos ay nakabatay sa paninindigan laban sa korapsyon at sa obligasyon ng mamamayan na huwag manahimik sa harap ng umano’y paglabag sa batas.