Nakatakdang simulan ng House Committee on Justice ang paunang deliberasyon sa mga reklamong impeachment laban kay Sara Duterte sa Marso 2, ayon kay Committee chairperson Gerville Luistro.
Ayon kay Luistro, target ng komite ang Marso 2, 3 at 4 bilang mga unang petsa ng pagtalakay upang busisiin ang sapat na porma at nilalaman (sufficiency in form and substance) ng apat na reklamong inihain laban sa Bise Presidente.
Ipinaliwanag niya na kapag pumasa ang mga reklamo sa pamantayan ng porma at nilalaman, maglalabas ng abiso sa Bise Presidente upang makapagsumite ito ng kanyang sagot. Kapag naman napatunayang may sapat na batayan ang reklamo, magsasagawa ng pagdinig ang komite at maaaring ipagpatuloy ang deliberasyon kahit naka-recess ang Kamara.
Sa ngayon, wala pa umanong nakikitang hamon ang komite sa proseso at tututok muna ito sa pagtukoy kung sapat ang porma ng mga reklamo bago dumako sa pagsusuri ng nilalaman. Dagdag ni Luistro, susundin ng komite ang parehong proseso at pamantayang ginamit sa mga nakaraang impeachment proceedings.
Kung magpapasya ang komite na magsagawa ng pagdinig, iimbitahan ang Bise Presidente, subalit nasa kanya ang desisyon kung dadalo o hindi. Kaugnay naman sa posibilidad na magpadala ito ng abogado, sinabi ni Luistro na walang malinaw na probisyon ang mga patakaran tungkol dito, ngunit pagdedesisyunan ito ng mga miyembro ng komite sakaling may ganitong kahilingan.











