Kinumpirma ng Malacañang na tatlong opisyal ng Bureau of Immigration ang natanggal sa kanilang posisyon matapos matuklasan na nakapag-record ng mga video si Russian vlogger Vitaly Zdorovetskiy habang siya ay nasa detention bago ideport pabalik sa kanyang bansa.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at press officer ng Palasyo na si Claire Castro, maraming cellphone ang nakumpiska sa detention facility, ngunit nakalusot pa rin ang vlogger sa ilang recording.
Patuloy ang imbestigasyon kung paano nagkaroon ng access si Zdorovetskiy sa mga recording devices habang nasa kustodiya. Posibleng makaranas ng karagdagang parusa ang iba pang BI personnel kung may lalabas pang ibang lapses o kapabayaan.
Ang mga video ay tila kuha noong maagang bahagi ng detention ni Zdorovetskiy. Ang Russian vlogger ay naaresto noong nakaraang taon dahil sa umano’y harassment at mga prank sa mga Pilipino para sa social media na nagdulot ng malawakang kritisismo.
Ipinauwi siya sa Russia noong Enero 17 at mula noon ay blacklisted na ng BI laban sa muling pagpasok sa Pilipinas.











