--Ads--

Isang entrapment operation ang matagumpay na ikinasa ng kapulisan na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang indibidwal na sangkot umano sa robbery extortion sa Barangay Ugad, Cabagan, Isabela.

Ang inarestong suspek ay kinilalang si alias “Marites,” 35 taong gulang, single, empleyado ng Environmental Management Bureau (EMB) at residente Tuguegarao City, Cagayan.

Samantala, ang nagreklamo ay si alias “Lourdes,” 56 taong gulang, negosyante at residente ng Brgy. Catabayungan, Cabagan, Isabela.

Ayon sa ulat, ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Cabagan Police Station, PIU-IPPO, RIU-2, PIT Isabela East, at 201st MC RMFB2 sa isang Gasoline Station sa nasabing barangay.

--Ads--

Naaresto ang suspek matapos tanggapin ang halagang ₱60,000.00 na binubuo ng dalawang genuine na tig-₱1,000 na may powder dust at limampu’t walong (58) piraso ng boodle money.

Nakumpiska mula sa direktang pag-iingat ng suspek ang mga sumusunod ang 60 piraso ng ₱1,000 bill at isang unit ng cellphone.

Batay sa imbestigasyon, noong Enero 23, 2026 ay lumapit ang complainant sa Cabagan PS at iniulat na siya ay hinihingan ng pera ng suspek. Inilahad na noong unang linggo ng Nobyembre 2025, nakatanggap siya ng sulat mula umano sa DENR Regional Office 2 kaugnay sa alegasyong maling pagtatapon ng used oil at batteries sa kanyang gasoline station. Nangako umano ang suspek na “aayusin” ang problema kapalit ng halagang ₱60,000.00 at nagbanta na posibleng ipasara ang negosyo kung hindi ito mababayaran. Dahil dito, nagbigay ang complainant ng tseke na ₱40,000 at karagdagang ₱20,000 cash. Muli umanong humingi ng pera ang suspek noong Enero 23, 2026, dahilan upang humingi ng tulong ang complainant sa pulisya.

Ang suspek ay dinala sa Milagros Albano District Hospital para sa medical examination, at kalaunan ay inilipat sa kustodiya ng Cabagan Police Station para sa kaukulang disposisyon.