Nakatakdang talakayin ng Senado bukas, sa pagbabalik ng sesyon matapos ang recess, ang mga panukalang reporma sa party-list system at ang anti-political dynasty bill na kapwa nakikitang may malaking tsansa na maipasa, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.
Ayon kay Sotto, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng ilang prayoridad na panukala, kabilang ang pagbabago sa party-list system na aniya’y lumihis na sa orihinal na layunin nitong katawanin ang mga marginalized na sektor. Kabilang din sa mga panukalang nasa advanced na yugto ang Freedom of Information bill, Classroom Acceleration Act, at Philippine Geriatric Center bill.
Binanggit ni Sotto na nagkaroon ng “abuso” sa party-list system dahil sa mga desisyon ng Commission on Elections (Comelec) at Korte Suprema na nagpalawak sa saklaw ng mga sektor. Mula sa orihinal na walong sektor gaya ng magsasaka, mangingisda, kabataan, kababaihan, senior citizens, urban poor, katutubo, at PWDs, umabot na sa halos 100 sektor ang kinikilala.
Aniya, kailangan nang amyendahan at palitan ang kasalukuyang batas upang maibalik ang linaw at disiplina sa sistema, na maaari ring magdulot ng malaking pagtitipid sa gastusin ng pamahalaan.
Bukod sa party-list reforms, muling bubuksan ng Senado ang talakayan sa anti-political dynasty bill. Bagama’t aminado si Sotto na mahirap bumuo ng epektibong bersyon, naniniwala siyang may malakas na posibilidad na ito’y maisulong sa kasalukuyang Kongreso.
Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na ito ang kauna-unahang pagkakataon mula 1987 na seryosong tinutulungan ng ehekutibo ang panukalang pagbabawal sa political dynasties. Dagdag pa niya, ang pagsama ng panukala sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ay tanda ng bihirang pagkakaisa ng lehislatura at ehekutibo.
Ilan pang senador gaya nina Panfilo Lacson, JV Ejercito, Bam Aquino, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at Robin Padilla ang naghain ng kani-kaniyang bersyon ng anti-dynasty bill. Si Ejercito mismo ay umamin na maaaring makaapekto ito sa kanyang sariling karera ngunit iginiit na makapagbibigay ito ng patas na pagkakataon sa milyon-milyong Pilipinong nais maglingkod.
Batay sa mga pag-aaral, nananatili ang korapsyon at kahirapan sa mga lugar na kontrolado ng political dynasties. Sa kabila ng tahasang pagbabawal sa Article II, Section 26 ng 1987 Konstitusyon, nanatiling walang bisa ang probisyon sa loob ng mahigit tatlong dekada dahil sa kawalan ng enabling law.











