Napinsala ang limang sasakyan matapos araruhin ng isang pick-up truck ang mga ito sa kahabaan ng Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela pasado alas-12 ng madaling araw noong Enero 25, 2026.
Batay sa ulat ng PNP Cauayan City, kabilang sa mga nasangkot sa insidente ang dalawang light truck na kapwa may tig-dalawang sakay kabilang ang kanilang mga drayber; isang delivery truck; at dalawang kolong-kolong na pagmamay-ari ng isang pribadong establisyemento.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na mabilis na binabaybay ng pick-up truck ang lansangan patungong Cauayan City Proper sakay ng isang pick-up truck. Pagdating sa lugar ng insidente, nasalpok nito ang isang light truck na nakaparada sa gilid ng kalsada at sunod-sunod na tinamaan ang apat pang sasakyan na nakaparada din sa nasabing lugar.
Ayon sa driver, hindi umano nito napansin ang unang sasakyang nakaparada dahilan upang mangyari ang banggaan.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatang sakay ng isa sa mga light truck upang mabigyan ng agarang lunas.
Samantala, hindi na magsasampa ng reklamo ang mga may-ari ng mga nadamay na sasakyan matapos akuin ng suspek ang lahat ng gastusin sa pagpapaayos ng mga napinsalang sasakyan.
--Ads--











