Pinalawig ng lokal na pamahalaan ng Alicia ang deadline ng renewal ng business tax permits hanggang Enero 31 upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga negosyanteng hindi pa nakakapagproseso ng kanilang permit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Treasurer Evelyn Cureg, sinabi nito na base sa kanilang obserbasyon ay marami pa ring mga business owners ang patuloy na nagtutungo sa Business One Stop Shop Office upang mag-renew at kumuha ng kanilang business permits.
Dahil dito, nagpasya ang lokal na pamahalaan na i-extend ang palugit hanggang sa katapusan ng buwan.
Dagdag niya, patuloy ang ginagawa ng kanilang tanggapan na pag-aassist sa mga negosyante, lalo na sa mga nangangailangan ng gabay sa proseso ng renewal ng business permits upang mas mapabilis ang transaksyon.
Babala naman ng Municipal Treasurer, ang mga hindi makakabayad ng kanilang business tax permit hanggang Enero 31 ay awtomatikong papatawan ng 25 porsiyentong penalty sa business tax, habang hindi kasama sa penalty ang regulatory fees.
Nilinaw rin niya na para sa mga nagbabayad gamit ang online banking applications, hanggang Enero 27 lamang ang deadline dahil hindi agad pumapasok ang bayad sa account ng munisipyo at kinabukasan pa ito naiu-update sa system. Mula Enero 28 hanggang 31, cash at tseke na lamang ang tatanggapin ng tanggapan.
Giit pa ni Cureg, mahigpit ring ipinatutupad ang pagbabayad ng business permit ng mga negosyong walang rehistro dahil hindi ito patas sa mga negosyanteng sumusunod at nagbabayad nang tama.






