Maraming Pilipino ang mas pinipiling magbiyahe sa ibang bansa kaysa sa sariling bayan dahil mahal ang domestic travel patungo sa mga tourist destination sa Pilipinas. Ayon sa kanila, mas makakamura sila sa gastusin kung sa ibang bansa magliwaliw kaysa sa lokal na paglalakbay.
Ito ang pahayag ng ilang personalidad na pumuna sa Department of Tourism at sa pamumuno ni Secretary Christina Frasco kaugnay sa mataas na presyo ng domestic travel.
Sa kanyang X post, sinabi ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Gregorio Larrazabal na dapat gumawa ng paraan ang DOT upang maging abot-kaya ang domestic flights. Paliwanag niya, namamahalan ang mga Pilipino sa presyo ng domestic flights kaya mas pinipili nilang bumiyahe sa ibang bansa kung saan mas mura ang pamasahe.
Giit ni Larrazabal, dapat hikayatin ng DOT ang mga kababayan na maging turista sa sariling bayan, ngunit sa kasalukuyan, kabaligtaran ang nangyayari sa lokal na turismo. Tinukoy niya na mas mura pa ang paglipad sa mga destinasyon sa ibang bansa tulad ng Hong Kong, Singapore, o iba pang ASEAN destinations kumpara sa ilang tourist spots sa Pilipinas.
Pinuna rin ng aktres na si Bianca Gonzales ang mataas na presyo ng domestic travel, na mas mahal pa kaysa sa paglalakbay sa ibang bansa. Sinang-ayunan niya ang mungkahi na babaan ang presyo ng mga domestic flights patungo sa mga tourist spot sa Pilipinas. Aniya, mas mahirap suportahan ang lokal na turismo dahil sa mataas na gastusin.
Maraming netizens ang sumang-ayon sa kanilang pahayag at nagbahagi rin ng sariling karanasan tungkol sa mabigat na gastos sa paglalakbay sa bansa.











