--Ads--

Labing-walong katao na kabilang ang isang anim na buwang gulang na sanggol ang nasawi habang mahigit 300 pasahero naman ang nasagip matapos lumubog ang isang passenger ferry patungong Jolo, Sulu sa karagatan ng Basilan madaling-araw ng Lunes ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) at mga lokal na opisyal.

Ayon kay Cmdr. Romel Dua, operations officer ng Coast Guard District Southwestern Mindanao, kabuuang 316 katao na ang nailigtas mula sa MV Trisha Kerstin 3 ng Aleson Shipping Lines na umalis sa Zamboanga City Port alas-9:20 ng gabi ng Linggo.

Bandang alas una ng madaling-araw ng Lunes, nakapagpadala ng distress call ang mga tripulante ng barko matapos makaranas ng umano’y malubhang problema sa makina. Kalaunan ay hinampas ng malalakas na alon ang barko dahilan upang tuluyang lumubog humigit-kumulang 5 kilometro hilagang-silangan ng Baluk-Baluk Island, Basilan.

Nilinaw naman ng PCG na hindi overloaded ang barko.

--Ads--

May sakay itong 332 pasahero, na pasok pa rin sa awtorisadong kapasidad na 352, at 27 na tripulante.

Gayunman, 25 na katao ang patuloy pang hinahanap.

Hanggang alas-7 ng gabi ng Lunes, hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.

Ang mga biktima ay dinala sa Isabela City, Basilan at sa Zamboanga City.

Agad namang rumesponde ang PCG matapos matanggap ang distress call mula sa sea marshal na sakay ng barko.

Ipinadala ang mga rescue asset kabilang ang 44-meter PCG MRRV 4401 mula Zamboanga City.

Tumulong din ang ilang commercial vessels, ang Armed Forces of the Philippines, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan.

Ayon kay Hadji Muhtamad Mayor Arsina Kahing-Nanoh, kaagad na nagsagawa ng rescue operations ang mga lokal na responder mula sa Baluk-Baluk Island sa pakikipag-ugnayan sa PCG at iba pang ahensya.

Ang mga pasaherong nasagip ng mga pribadong bangka at ng Bantay Dagat ay isinailalim sa turn-over sa PCG para sa dokumentasyon at karagdagang tulong.

Kinumpirma naman ng Basilan Medical Center na 24 katao ang isinugod sa ospital para sa karagdagang pagsusuri at gamutan.

Sinabi ni Basilan Governor Mujiv Hataman sa isang panayam na may 37 na mga pasahero at dalawang nasawing biktima ang dinala sa Isabela, ang kabisera ng lalawigan.

Patuloy ang search and rescue operations habang iniimbestigahan ang sanhi ng paglubog.