--Ads--

Naaresto ng Cauayan Component City Police Station (CCPS) ang isang lalaki sa ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation sa Purok 6, Barangay San Fermin, Cauayan City dakong alas-5:20 ng hapon, kahapon, Enero 26.

Kinilala ang suspek na si alyas “Vin,” binata at residente ng Barangay Cabaruan, Naguilian, Isabela. Nahaharap ito sa paglabag sa Section 5 at 12, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Cauayan CCPS katuwang ang PIU-PDEU, IPPO, RMU 2, at RIU 2, sa pakikipag-ugnayan at koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 2 (PDEA RO2).

Nakumpiska sa operasyon ang isang piraso ng medium heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu; isang piraso ng genuine ₱500.00 bill na ginamit bilang buy-bust money; isang piraso ng genuine ₱500.00 bill na boodle money; isang doublemint case; isang transparent glass pipe na may residue; isang improvised wooden thin stick; at isang yunit ng Infinix Hot 30 Play cellular phone.

--Ads--

Kaagad na isinagawa ang wastong pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng naarestong suspek, na nasaksihan ng kinatawan mula sa National Prosecution Service (NPS) at isang Barangay Kagawad ng nasabing barangay.

Ipinaalam din sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at binasahan siya ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine, gayundin ng Republic Act 9745 o Anti-Torture Act of 2009, sa wikang kanyang nauunawaan.

Matapos ang operasyon, dinala ang suspek sa Cauayan District Hospital para sa pisikal at medikal na eksaminasyon, at kalaunan ay inilipat sa himpilan ng Cauayan CCPS para sa dokumentasyon at tamang disposisyon habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya sa ilalim ng Republic Act 9165.