Ikinatuwa ng mga residente ng bayan ng Reina Mercedes ang mas pinaigting na pagtutok ng lokal na pamahalaan sa sektor ng agrikultura sa unang quarter ng taon, na anila’y malaking tulong sa kabuhayan ng nakararami sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Marcelex Cristobal ng Napaccu Grande Reina Mercedes, nakatutuwang makita na binibigyang-prayoridad ng lokal na pamahalaan ang agrikultura dahil ito ang pangunahing pinagkukunan ng ikinabubuhay ng karamihan sa mga residente ng bayan.
Aniya, mahalaga ang ganitong mga hakbang upang mas mapalakas ang produksyon at matulungan ang mga magsasaka na makabangon at magpatuloy sa kanilang hanapbuhay.
Dagdag pa ni Kagawad Cristobal, ramdam ng mga residente ang suporta ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga programang inilulunsad para sa sektor ng agrikultura, na hindi lamang nakatuon sa produksyon kundi pati na rin sa pangmatagalang kaunlaran ng mga magsasaka.
Para sa mga residente, malaking tulong ang mga inisyatibong ito lalo na sa mga magsasaka na umaasa sa sapat na suporta mula sa pamahalaan upang mapanatili ang kanilang kabuhayan at matiyak ang seguridad sa pagkain ng bayan.
Patuloy naman ang lokal na pamahalaan ng Reina Mercedes sa pagpapatupad ng mga programang pang-agrikultura bilang bahagi ng kanilang layuning mapaunlad ang sektor at mapabuti ang kalagayan ng mga magsasaka sa komunidad.









