Kumbinsido si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kailangang agarang tugunan ang suliranin sa learning crisis na kinahaharap ng mga estudyante.
Ayon sa Pangulo, ipinapakita ng ulat na isinumite sa kanya ng Congressional Commission on Education (EDCOM II) na may mga pagkukulang sa sistema ng edukasyon at may mga hakbang na kinakailangang gawin upang ito’y mapabuti.
Malinaw din, batay sa EDCOM II Final Report, na mayroong krisis sa pagkatuto, isang malaking hamon sa kasalukuyang sistema ng edukasyon na kailangang resolbahin.
Sa kabilang banda, naniniwala si Pangulong Marcos na sa pamamagitan ng National Education and Workforce Development Plan (NatPlan) 2026–2035, matutugunan ang learning crisis ng mga estudyante. Nakapaloob sa planong ito ang mga gabay sa pangunahing reporma, kaukulang lehislasyon, at alokasyon sa badyet para sa sektor ng edukasyon sa susunod na sampung taon.











