Naghain ng criminal complaint ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Villar Land Holdings Corp., at mga opisyal nito dahil sa umano’y market manipulation, insider trading, at misleading disclosures.
Sinampahan ng reklamo noong Enero 30 ang Villar Land dahil sa umano’y paglabag sa Sections 24.1(d) at 26.3 ng Securities Regulation Code, na nagbabawal sa pagbibigay ng false o misleading statements at sa pagsasagawa ng securities transactions na nag-ooperate bilang fraud o deceit sa investors.
Pinangalanang respondents sina Villar Land Chairperson at dating Senador Manuel B. Villar Jr.; dating Senadora Cynthia A. Villar; directors Cynthia J. Javarez, Manuel Paolo A. Villar, Camille A. Villar, at Mark A. Villar; at independent directors Ana Marie V. Pagsibigan at Garth F. Castañeda.
Inireklamo rin ang mga kaugnay na kompanya, kabilang ang Infra Holdings Corp. at MGS Construction, pati ang kanilang mga opisyal at authorized signatories.
Sa isinapublikong financial statements noong 2024, iniulat nila ang sobrang taas na total assets na P1.33 trilyon at net income na P999.72 bilyon, bago pa umano matapos ang external audit, na siyang pinag-ugatan ng reklamong isinampa laban sa mga ito.
Nang isumite ang audited financial statements, ibinaba ng Villar Land ang total assets sa P35.7 bilyon, malayo sa naunang inilabas.
Inakusahan din ng SEC si Camille Villar ng insider trading matapos umano siyang bumili ng 73,600 shares noong Disyembre 2017, ilang sandali bago ang corporate disclosure na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng stock.
Binanggit din ng SEC ang pagbawi ng accreditation ng property valuator na E-Value Phils., Inc. at pagpataw ng P1 milyong multa dahil sa umano’y hindi maaasahang valuation reports na ginamit upang suportahan ang Villar Land.









