--Ads--

Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pamahalaan na higit pang paigtingin ang pagpapatupad ng mga patakaran laban sa human trafficking kasabay ng paggunita ng National Day of Prayer and Awareness Against Human Trafficking.

Sinabi ni Bishop Socrates Mesiona, tagapangulo ng Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrant and Itinerant People, na mahalagang isaalang-alang at bigyang-prayoridad ng gobyerno ang paggalang at pangangalaga sa dignidad ng bawat tao sa pagbuo ng mga polisiya.

Binigyang-diin din ni Mesiona na nananatiling bulnerable ang maraming Pilipino sa human trafficking dahil sa kahirapan, kawalan ng tirahan, kakulangan sa edukasyon, armadong tunggalian, mga kalamidad, at maling paggamit ng mga digital platform, na nagiging daan upang sila ay malinlang ng mga pekeng alok na trabaho at oportunidad.

Hinimok naman niya ang mga institusyon ng pamahalaan na patuloy na palakasin ang pagpapatupad ng mga batas laban sa trafficking, paigtingin ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya, tiyakin ang proteksyon ng mga biktima, ayusin ang sistema ng recruitment, at tugunan ang mga ugat ng problema gaya ng kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, at kakulangan ng disenteng hanapbuhay.

--Ads--