--Ads--

‎Binigyang-diin ng City Health Office na mahalaga ang information, education and communication (IEC) materials sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa oral health, ngunit hindi ito sapat upang tuluyang mabago ang hindi malusog na gawi ng publiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rusmer Aviles, Dentist II ng Santiago City Health Office, naglalaman ang mga ipinapamahaging leaflets at brochure ng pangunahing impormasyon hinggil sa masamang epekto ng paninigarilyo at paggamit ng sigarilyo at e-cigarettes sa kalusugan, partikular sa bibig. Kabilang sa mga binanggit na epekto ang pagkakaroon ng gum disease, tooth decay, mabagal na paghilom ng sugat, at mabahong hininga.

‎Ipinaliwanag din ni Dr. Aviles na may mga indibidwal na dumadayo sa City Health Office upang magpatingin at magpacheck-up ng kanilang oral health, na nagpapakita ng patuloy na pangangailangan para sa serbisyong pangkalusugan sa komunidad.

‎Gayunman, nilinaw niya na bagama’t nakatutulong ang IEC materials sa pagbibigay ng kaalaman, hindi ito maituturing na sapat upang mapahinto ang mga mamamayan sa mga nakasanayang gawi na nakasasama sa kalusugan.

‎Aniya, mas mainam na lumapit ang publiko sa mga tobacco information coordinators at health providers sa kani-kanilang barangay para sa mas gabay at suporta.

‎Dagdag pa niya, mahalaga ring humanap ng mga makabuluhang gawain at libangan na maaaring magsilbing alternatibo sa hindi malusog na bisyo. Binigyang-diin din ni Aviles na napatunayan na sa iba’t ibang pag-aaral at journals, sa loob at labas ng bansa, na ang paggamit ng sigarilyo at e-cigarettes ay may masamang epekto sa kalusugan.