Tuloy-tuloy ang manhunt operation ng pulisya laban sa suspek na brutal na pumatay sa isang lalaki sa Brgy. San Antonio, Cauayan City noong Pebrero 3, 2026.
Ang insidenteng ito ay nagdulot ng takot at pangamba sa mga residente ng nasabing barangay, partikular sa pamilya ng biktima, na nananatiling nag-aalala sa posibleng pagbabalik ng suspek.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Dominador Tacmo ng Brgy. San Antonio, sinabi nitong nakikiisa na rin ang mga barangay tanod at mga opisyal sa mas pinaigting na paghahanap kay Felino Valdos, 44-anyos, walang asawa, construction worker, at residente rin ng Brgy. San Antonio.
Ani Ginoong Tacmo, pinupuntahan nila ang lahat ng posibleng lugar na maaaring pagtaguan ng suspek upang agad itong mahuli at mapanagot sa krimen na ginawa.
Dagdag pa niya, bagama’t natural na may takot ang mga kasapi ng barangay dahil sa brutalidad ng insidente, mas higit na pinipili nilang pag-igtingin ang kanilang operasyon upang maibalik ang kapanatagan sa kanilang lugar.
Ayon sa ilang residente, patuloy ang kanilang pangamba dahil sa posibleng muling pagbabalik ng suspek, kaya’t hinihikayat nila ang barangay at kapulisan na huwag pabayaan ang paghahanap at pagbabantay.
Binanggit din ni Kagawad Tacmo ang kahalagahan ng pagiging responsable ng bawat residente sa kanilang personal na kilos. Dagdag pa niya, ang disiplina at pagtutulungan ng komunidad ay susi upang maiwasan ang mga insidente ng karahasan at mapanatili ang katahimikan sa lugar.
Samantala, patuloy na mino-monitor ng pulisya ang mga posibleng ruta at lokasyon ng suspek. Nakikipag-ugnayan rin ang barangay sa iba pang ahensya upang mas mapabilis ang paghuli kay Valdos at masigurado ang kaligtasan ng mga residente.










