Pormal nang binuksan ang Christmas Village sa Cauayan City, Isabela kasabay ng isinagawang light-up ceremony at grand fireworks display.
Sa kabila ng pag-ulan bago ang programa, hindi ito naging hadlang upang dumagsa ang mga Cauayeño sa labas ng City Hall upang saksihan ang pagpapailaw at makiisa sa pagsisimula ng Christmas season sa lungsod.
Tampok sa Christmas Village ang dalawang naglalakihang Christmas tree, makukulay na Christmas lights, lanterns at iba pang dekorasyong maaaring pasyalan at pagkuhanan ng litrato ng mga pamilya at magkakaibigan
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Cauayan City Mayor Jaycee Dy na taun-taon nilang isinasagawa ang naturang aktibidad bilang pasasalamat sa mga biyayang natatanggap ng lungsod.
Kabilang na rito ang pagdiriwang ng ika-25th anibersaryo ng lungsod ngayong 2026.
Samantala, nagpapatuloy ang pagbabantay ng mga kapulisan at iba pang awtoridad upang matiyak ang seguridad ng mga residenteng bumibisita sa Christmas Village.
Ayon naman sa isa sa mga bumisita, nasiyahan siya sa mga dekorasyon at ilaw na inilagay sa lugar, dahilan upang bigyan niya ito ng markang 100 out of 10.
Patuloy namang inaanyayahan ang mga Cauayeño at iba pang bisita na mamasyal sa Christmas Village at personal na masaksihan ang mga inihandang dekorasyon para sa nalalapit na Pasko.











