--Ads--

Pumalag si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa naging pahayag ng China kaugnay ng ipinasang Senate resolution na bumabatikos sa naunang komento ng Chinese Embassy laban sa mga opisyal ng Pilipinas tungkol sa West Philippine Sea.

Ayon kay Sotto, sinisisi ng China ang Senado na nakaka-intimidate sa mga Chinese diplomats, ngunit patuloy naman itong nagsasalita nang walang respeto at tinatawag ang resolution na political stunt.

Dagdag pa niya, maliit lamang ang kaalaman ng China sa tamang proseso ng diplomasiya at naniniwala siyang ang respeto ay dapat na mauna upang makabuo ng respeto pabalik.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, may-akda ng resolusyon, na lumabag ang tugon ng China sa Vienna Convention at lalo lamang nagpapatibay sa pagtingin sa China bilang isang bully.

--Ads--

Ipinahayag ni Pangilinan na kailangan ng Department of Foreign Affairs na gumawa ng angkop na hakbang upang ipagtanggol ang dignidad ng Pilipinas at tiyakin na ang ugnayan ng bansa sa ibang estado ay naaayon sa internasyonal na batas at prinsipyo ng diplomatikong relasyon.

Ayon sa kanya at sa iba pang senador, lumampas na ang Chinese Embassy sa hangganan ng lehitimong pagpapahayag ng opinyon ng isang banyagang estado at naging pakikialam na sa domestic democratic debate ng bansa.