--Ads--

Naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang founder ng Task Force Kasanag na si John Chiong laban sa ilang kasalukuyan at dating opisyal ng Department of Public Works and Highways kaugnay ng umano’y manipulasyon sa bidding ng ilang proyektong pang-imprastraktura.

Kabilang sa mga pinangalanan sa reklamo sina dating DPWH Secretary na si Manuel Bonoan, Senior Undersecretary na si Emil Sadain, ilang miyembro ng bids and awards committee, at mga opisyal ng Unified Project Management Office – Roads Management Cluster. Isinama rin sa reklamo ang ilang kumpanyang suportado umano ng China na sinasabing paboritong nananalo sa mga bidding.

Ayon kay Chiong, nag-ugat ang reklamo sa isang anonymous tip na nagsasabing minanipula ang limang proseso ng bidding para sa mga proyekto sa Marawi, Lanao del Norte, at Laguna. Aniya, sa inilathalang invitation to bid sa PhilGEPS ay nakasaad umano na zero ang approved budget for the contract, na posibleng paglabag sa transparency requirements sa ilalim ng Government Procurement Reform Act o RA 9184.

Hiniling ni Chiong sa Ombudsman na imbestigahan ang mga respondent dahil sa posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at sa Government Procurement Reform Act. Sinabi niyang may higit 37 exhibits o dokumentaryong ebidensya silang inihain, na ang ilan ay mula mismo sa central office ng DPWH.

--Ads--

Dagdag pa niya, ang mga kumpanyang ito ay paulit-ulit umanong nananalo sa mga proyektong nagkakahalaga ng mahigit P2 bilyon. Giit ni Chiong, hindi ghost projects ang mga ito ngunit kuwestiyonable umano ang pagpili ng contractor at tila monopolized ang bidding sa central office ng DPWH.