--Ads--

Hindi bababa sa apat na katao ang nasawi matapos tamaan ng airstrike ng Israel ang isang apartment sa Ramada hotel building sa Central Beirut, ayon sa health ministry ng Lebanon.

Ayon sa pahayag ng health ministry, sampung iba pang katao ang nasugatan sa naturang pag-atake na naganap sa Raouche area ng Beirut.

Ang hotel ay pansamantalang tinutuluyan ng mga taong lumikas mula sa digmaan sa southern Lebanon at sa southern suburbs ng Beirut. Matapos ang pagsabog, may ilang residente ang nakitang lumabas ng gusali dahil sa pangambang may susunod pang airstrike.

Sa ngayon, wala pang karagdagang detalye tungkol sa insidente at wala ring agarang pahayag mula sa Israel.

--Ads--

Samantala, halos 2,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Middle East ang humiling ng repatriation sa gitna ng patuloy na tensyon at lumalawak na sigalot sa rehiyon.

Nasama ang Lebanon sa lumalawak na digmaan na kinasasangkutan ng Estados Unidos, Israel, at Iran matapos maglunsad ng rockets at drones ang Iran-backed militant group na Hezbollah patungong Israel noong Lunes. Gumanti naman ang Israel sa pamamagitan ng malalakas na airstrike sa southern at eastern Lebanon, pati na sa mga lugar malapit sa Beirut.