Umalis ng bansa nitong Linggo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang work visit sa Estados Unidos.
Bandang alas-10:22 ng umaga nang lumipad ang sinakyang eroplano ng Pangulo mula sa bansa. Mananatili siya sa U.S. hanggang Miyerkules, Marso 11.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Angelica Escalona, kabilang sa mga aktibidad ni Marcos sa New York ang mga high-level engagement sa United Nations (UN). Inaasahang hihimukin ng Pangulo ang mga panig na sangkot sa sigalot sa Middle East na bumalik sa negotiating table upang maresolba ang alitan.
Sinabi rin ni Escalona na magbibigay si Marcos ng regional perspective at mananawagan ng pagpigil o restraint at paggalang sa international law at sa UN Charter sa gitna ng nagpapatuloy na hidwaan sa rehiyon.
Nakaiskedyul din na makipagpulong ang Pangulo kay UN Secretary-General Antonio Guterres sa sidelines ng kanyang pagbisita sa U.S.
Bukod dito, lalahok din si Marcos sa pagbubukas ng ika-70 sesyon ng UN Commission on the Status of Women.











