--Ads--

Labing-anim (16) na gasoline stations sa Bayan ng Echague, Isabela ang nabigyan ng Notice of Violation matapos lumampas sa itinakdang pump price ng Department of Energy (DOE) para sa March 6–9, 2026, ayon sa isinagawang inspeksyon ng Municipal Fuel Monitoring and Enforcement Team (MFMET) bilang bahagi ng pagpapatupad ng Executive Order No. 07, Series of 2026.

Inaatasan ang mga establisyementong ito na tumigil o “cease and desist” sa mga ipinagbabawal na gawain at binibigyan ng 24 oras upang magsumite ng paliwanag sa Office of the Mayor. Binabalaan ang mga may-ari na ang kabiguang sumunod ay maaaring magresulta sa agarang pagsasara ng kanilang gasolinahan at pagsasampa ng kaso sa DOE at Department of Justice (DOJ).

Hinihikayat din ng lokal na pamahalaan ang publiko na i-report o magbigay ng komento kung may mapansing kahina-hinalang pagtaas ng presyo o hindi makatarungang gawain sa pagbebenta ng petrolyo.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsubaybay at pagpapatupad ng batas upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa hindi makatarungang presyo ng langis.