Arestado ang isang 19-anyos na babae matapos matunton gamit ang device tracking feature ang cellphone na umano’y ninakaw mula sa isang tricycle driver sa Cauayan City, Isabela, nitong Miyerkules ng hapon, Nobyembre 11.
Naaresto ang suspek dakong alas-5:45 ng hapon sa Festival Ground Park, Rizal Avenue, District 3, matapos matukoy ang lokasyon ng cellphone.
Batay sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, dakong alas-9:30 ng umaga nang iwan ng 51-anyos na biktima ang kaniyang cellphone sa dashboard ng nakaparadang tricycle sa isang terminal sa District 1.
Nang sandaling lumayo ang biktima upang tingnan ang pila ng mga pasahero, umano’y may babaeng kumuha ng gamit mula sa kaniyang tricycle at tumakas.
Sa tulong ng 18-anyos na anak ng biktima, natunton ang cellphone gamit ang device tracking feature na naka-link sa kaniyang email account.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad sa natukoy na lokasyon, kung saan naaresto ang suspek at nabawi ang nawawalang cellphone.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon. Isinailalim din ito sa pisikal at medikal na pagsusuri sa isang ospital sa lungsod.
Nabatid na ilang beses na umanong naidala sa himpilan ng pulisya ang suspek kaugnay ng mga naunang insidente, subalit hindi siya nasasampahan ng kaso dahil sa awa ng mga dati nitong nabiktima.
Sa pagkakataong ito, inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kaso laban sa suspek para sa pagsasampa nito sa korte.











