Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbibigay ng libreng serbisyo sa komunikasyon ang mga telecommunication companies upang makausap ng mga Pilipino ang kanilang mga kaanak na nagtatrabaho sa Middle East.
Sa isang facebook post, sinabi ng Pangulo na patuloy ang pagbibigay ng karagdagang tulong ng pamahalaan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa nasabing rehiyon.
“I have directed our telecommunications companies to provide free communication services between our OFWs and their families here in the Philippines,” pahayag ni Marcos.
Ayon sa Pangulo, inilunsad ng mga telco ang ‘Libreng Tawag Program’, na magbibigay ng mahalagang suporta sa mga Pilipino sa iba’t ibang bansa sa Middle East, kabilang ang Iran, Iraq, Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar, United Arab Emirates, at Saudi Arabia.
Maglalagay din ang mga public telecommunications entities ng mga libreng call stations sa piling business centers na matatagpuan sa mga pangunahing mall upang mas madaling makausap ng mga pamilya sa Pilipinas ang kanilang mga mahal sa buhay na nasa abroad.
“Through these efforts, we want to ensure that our kababayans can remain connected with their families, offer comfort to one another and confirm their safety without additional financial burden,” dagdag ng Pangulo.
Batay sa pinakahuling ulat, tinatayang nasa 1,300 katao, kabilang ang Iran’s Supreme Leader na si Ali Khamenei, ang nasawi matapos magsagawa ng air strikes ang United States at Israel sa Iran noong Pebrero 28.
Gumanti naman ang Iran sa pamamagitan ng pag-atake sa mga base ng Amerika at Israel sa iba’t ibang bahagi ng Middle East, kung saan tinatayang may 2.5 milyong Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho.





