Unti-unti nang bumabalik sa ensayo si eight-division world champion Manny Pacquiao upang maikondisyon ang katawan para sa kanyang pagbabalik sa professional boxing.
Kasado na ang inaabangang rematch nito kay undefeated American champion Floyd Mayweather Jr. sa Setyembre sa Las Vegas, Nevada. Kailangan ni Pacquiao na maging handa upang mabigyan ng magandang laban ang kanyang katunggali.
Pinaghahandaan din niya ang laban sa Abril 18 laban kay dating junior welterweight world champion Ruslan Provodnikov sa isang 10-round welterweight exhibition.
Huling sumalang si Pacquiao sa professional boxing noong Hulyo 19, 2025 laban kay WBC welterweight champion Mario Barrios, na nauwi sa majority draw.
Samantala, sasalang din si Mayweather sa exhibition matches laban kina Mike Tyson sa Abril at Mike Zambidis sa Hunyo.








