--Ads--

Muling sumisikat ang CD bilang format ng pakikinig ng musika, kasabay ng pagtaas ng interes ng mga mamimili sa mga CD player at pisikal na kopya ng mga album.

Ayon sa datos ng John Lewis, tumaas ng 96% ang mga online searches para sa CD players mula noong Hulyo. Samantala, iniulat din sa isang pag-aaral hinggil sa mga mahilig musika at pelikula ngayong taon na umakyat ng 16% ang bentahan ng mga CD.

Sa kabila ng paglaganap ng music streaming platforms, mas pinipili pa rin ng ilang music enthusiasts ang pagkakaroon ng physical copy ng kanilang mga paboritong album dahil mas nais nilang pagmamay-ari mismo ang kanilang pinakikinggang musika.

Isa na rito si Andrew Wales, 67-anyos na taga-London, na nagmamay-ari ng mahigit 10,000 CD na nakaimbak sa iba’t ibang bahagi ng kanilang bahay.

--Ads--

Ayon kay Wales, hindi niya kailangan ang Spotify dahil nakasanayan na niyang makinig ng musika gamit ang mga pisikal na kopya. Dagdag pa niya, mas praktikal ang CD dahil mas kaunti ang espasyong kailangan nito kumpara sa vinyl records.

Unang bumili si Wales ng CD noong 1991, kasabay ng pagbili niya ng kaniyang unang CD player. Aniya, mas pinili niya noon ang CD dahil sa kalidad ng pagkakagawa ng mga vinyl record at sa ilang kantang kasama sa CD releases na hindi makikita sa mga katumbas nitong LP.

Bukod sa mahigit 10,000 CD, mayroon din siyang humigit-kumulang 2,000 vinyl records, ilang daang cassette tapes at dumaraming collection ng Blu-ray discs.