Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens sina Jake Cuenca at Rabiya Mateo matapos silang mamataan na magkasama sa Bonifacio Global City (BGC), na nagbunsod ng espekulasyon hinggil sa posibleng namumuong relasyon ng dalawa.
Batay sa mga larawang kumalat sa social media at unang ibinahagi ng isang user sa Reddit, makikitang magkasamang kumakain ang dalawa sa isang restaurant at naglalakad sa loob ng isang mall sa BGC.
Sa isang larawan, makikitang nakaakbay si Mateo kay Cuenca habang naglalakad, habang sa isa naman ay tila nakatingin ang aktor sa beauty queen habang kumakain.
Sa kabila ng kumakalat na mga larawan, wala pang opisyal na pahayag ang kampo nina Cuenca at Mateo kaugnay sa naturang isyu.
Matatandaang kamakailan lamang ay nagmula ang dalawa sa kani-kanilang hiwalayan. Ang huling nakarelasyon ni Cuenca ay si Chie Filomeno, kung saan inamin ng aktor na hindi naging pormal ang kanilang paghihiwalay.
Samantala, dating naugnay si Mateo kay Jeric Gonzales, na nagsabing matagal na silang hiwalay at napagdesisyunan ito nang maayos ng magkabilang panig.
Sa ngayon, nananatiling usap-usapan sa social media ang naturang sightings habang hinihintay ng publiko ang posibleng paglilinaw mula sa dalawang personalidad.







