Inamin ng Department of Agriculture (DA) na may maling coordinates ang walong farm-to-market road projects na nakapaloob sa kanilang panukalang 2027 national budget dahil umano sa encoding at geotagging errors.
Inihayag ito ni DA Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food kaugnay ng mga hakbang ng pamahalaan laban sa epekto ng El Niño.
Ayon kay Manalo, kabilang ang walong proyekto sa kabuuang 1,669 farm-to-market road projects na nakapaloob sa National Expenditure Program o NEP at hindi sa mga proyektong umano’y ipinasok o isinama ng mga mambabatas.
Matatandaang kinuwestiyon ng People’s Budget Coalition ang lokasyon ng ilang farm-to-market road projects matapos matuklasang may mga coordinates na tumutukoy sa mga anyong-tubig, kabilang ang Celebes Sea at Philippine Rise.
Dahil dito, hinimok ni Camarines Sur 4th District Representative Arnie Fuentebella ang DA na itama ang mga pagkakamali habang dinidinig pa sa Senado ang panukalang pambansang budget.
Nagpasalamat din ang mambabatas sa pag-amin ng ahensya sa naturang pagkakamali.











