Sa kabila ng pagiging abala at hindi holiday ang Semana Santa sa Singapore, patuloy pa rin ang pakikiisa ng mga Pilipinong Katoliko sa pagdiriwang ng Holy Week sa nasabing bansa.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Alma Cabalbal, ibinahagi nito na bagama’t regular ang pasok sa trabaho ng mga manggagawa, hindi pa rin nawawala ang paggunita sa mahahalagang araw ng Semana Santa.
Aniya, tulad sa Pilipinas ay isinasagawa rin sa Singapore ang ilang tradisyunal na gawain gaya ng pagbabasbas ng palaspas tuwing Linggo ng Palaspas, na ginaganap sa mga simbahan.
Gayunpaman, nilinaw nito na hindi kasing lawak at lantad sa publiko ang mga aktibidad kumpara sa Pilipinas, dahil sa multi-religious na kalagayan ng bansa kung saan iba’t ibang pananampalataya ang umiiral.
Dahil dito, hindi rin idinedeklarang holiday ang Semana Santa sa Singapore kaya’t nagpapatuloy ang normal na takbo ng trabaho at pamumuhay ng mga residente, kabilang na ang mga overseas Filipino workers.
Sa halip, ang mga aktibidad kaugnay ng Holy Week ay kadalasang isinasagawa lamang sa loob ng mga simbahan, kabilang na ang pagdalo sa misa, panonood ng mga religious film gaya ng tungkol sa Passion of Christ, at iba pang gawain na nakatuon sa pananampalataya.
Dagdag pa ni Cabalbal, wala ring mga pampublikong prusisyon o pagpapako sa krus na karaniwang nakikita sa Pilipinas, ngunit nananatiling buhay ang diwa ng pagninilay at pananampalataya ng mga Katoliko sa Singapore.
Para naman sa Sabado de Gloria, inilarawan nito na nananatiling tahimik ang selebrasyon bilang bahagi ng paghihintay sa muling pagkabuhay ni Hesukristo sa Linggo ng Pagkabuhay.
Sa kabuuan, sinabi ni Cabalbal na bagama’t may pagkakaiba sa paraan ng pagdiriwang, nananatiling iisa ang pananampalataya ng mga Katoliko saan mang panig ng mundo, kabilang na ang mga Pilipino sa Singapore na patuloy na ginugunita ang Semana Santa sa kabila ng kanilang trabaho at paninirahan sa ibang bansa.











