Dumagsa ang mga Pilipino sa isinagawang meet and greet at dinner para kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Imperial Hotel, Tokyo, Japan kung saan halos dalawang buwan umanong pinaghandaan ng Filipino community ang naturang pagtitipon.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Myles Briones Beltran ng Japan, sinabi niyang labis ang pananabik ng mga Pilipino sa pagdating ng Pangulo kaya’t maaga pa lamang ay nagtipon na ang mga ito sa venue ng programa.
Ayon kay Beltran, masusing pinagplanuhan ng mga organizers at ng mga loyal supporters ang naturang pagtitipon upang maging maayos at matagumpay ang programa para sa Pangulo at sa Filipino community sa Japan.
Bukod sa kasiyahang makita nang personal si Pangulong Marcos, ibinahagi rin nito na naging daan ang naturang pagtitipon upang higit pang mapalapit ang samahan ng mga Pilipino sa Japan.
Samantala, nagpahayag din siya ng pag-asang lalo pang tumibay ang relasyon ng Pilipinas at Japan upang mas marami pang oportunidad sa trabaho ang maibukas para sa mga Pilipino sa naturang bansa.
Aniya, hangad nilang maging mas madali para sa mga kababayan ang makapagtrabaho sa Japan upang mas marami pa silang maitulong sa kanilang pamilya at sa ekonomiya ng Pilipinas.











