--Ads--

Bagama’t inaasahang dadagsa ang mga biyahero ngayong Semana Santa, tiniyak ng Police Regional Office 2 (PRO 2) na ligtas at maayos ang pagdiriwang sa buong rehiyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Sharon Mallillin ang Spokesperson, Police Regional Office 2 (PRO 2), sinabi niyang nakapokus ang kanilang hanay sa mga simbahan, terminal hubs, at iba pang lugar na may malaking kumpol ng tao upang mabigyan ng gabay at mabilis na tulong ang mga mamamayan. Binibigyang-diin din ng kapulisan ang inspeksyon ng mga pampublikong sasakyan at pagsubaybay sa kaligtasan ng mga pasahero, pati na rin ang pag-iwas sa mga insidente ng drowning sa mga ilog at swimming areas.

Ayon kay PMaj. Mallillin, simula noong nakaraang taon na may petsyang, Abril 13–20, 2025, naitala ang 86 insidente ng vehicular accidents sa rehiyon, nangunguna sa Isabela at Nueva Vizcaya, kasunod ang Cagayan. Sa kabila nito, bumaba naman ang bilang ng drowning incidents noong 2025 kumpara sa 2024, bunsod ng mas aktibong paalala at pakikipag-ugnayan sa publiko.

Samantala, nitong Palm Sunday, sinabi ni PMaj. Mallillin na naging maayos at payapa ang pagdiriwang sa mga lugar ng pagtitipon, at mas nagiging aware na rin ang publiko sa mga hakbang ng kapulisan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

--Ads--

Bukod sa mga kalsada, may deployment din ang kapulisan sa mga airport at terminal hubs, kung saan 24-oras ang duty kasabay ng tuloy-tuloy na biyahe ng mga pasahero. Pinapaalalahanan ng PRO 2 ang mga motorista at biyahero na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang sasakyan, sumunod sa batas-trapiko, at i-report agad sa assistance desk o PNP hotline ang anumang insidente.

Layunin ng pulisya na masiguro na ang bawat biyahero ay ligtas, pati na rin ang kanilang tahanan at gamit kapag aalis ngayong Semana Santa.