--Ads--

Pinabulaanan ng kampo ni Manny Pacquiao ang pahayag ni Floyd Mayweather Jr. na exhibition lamang ang planong rematch nila sa Setyembre.

Ayon kay Mike Coppinger ng Ring Magazine, nakausap niya si MP Promotions CEO Jas Mathur na nagsabing itinuturing na official fight ang muling paghaharap ng dalawang boxing legends.

Nauna nang inanunsyo ng Netflix ang laban na nakatakdang ganapin sa Setyembre 19 sa The Sphere sa Las Vegas, mahigit isang dekada matapos ang kanilang record-breaking na laban noong 2015.

Gayunman, iginiit ni Mayweather na posibleng exhibition fight lamang ito at hindi isasama sa kanilang professional records, habang wala pa ring pinal na desisyon hinggil sa venue at iba pang detalye ng laban.

--Ads--

Sa kasaysayan ng kanilang paghaharap, tinalo ni Mayweather si Pacquiao noong 2015, dahilan upang hangarin ng Filipino boxing icon ang isang rematch na maituturing na official bout.

Samantala, nakatakda munang lumaban si Mayweather sa ilang exhibition bouts laban kina Mike Tyson at Mike Zambidis bago ang planong rematch.

Hindi naman matutuloy ang exhibition fight ni Pacquiao laban kay Ruslan Provodnikov na naka-iskedyul sana sa Abril 18 sa Las Vegas.