Umapela ang pamilya ng komedyanteng si Ate Gay sa publiko na itigil ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa umano’y pagkamatay nito, at iginiit na buhay pa ito at patuloy na lumalaban sa kritikal na kondisyon.
Sa social media post nitong Oktubre 31, sinabi ng pamilya na nakatatanggap sila ng mga mensahe ng pakikiramay at pagbibigay ng condolences dahil sa kumakalat na maling balita tungkol sa kalagayan ng komedyante.
Hinimok din nila ang publiko na tiyaking beripikado ang impormasyon bago ito ibahagi at hayaan ang pamilya na maglabas ng opisyal na update tungkol sa kalagayan ni Ate Gay.
Matatandaang isinugod sa Asian Hospital and Medical Center ang komedyante noong Oktubre 17 dahil sa hirap sa paghinga at kalaunan ay na-diagnose na may septic shock at acute respiratory failure dulot ng pneumonia.
Noong Oktubre 29, nakaranas din ito ng stroke na nakaapekto sa kanang bahagi ng kanyang utak. Nananatili siyang nasa Intensive Care Unit (ICU), umaasa sa life-support machines, at kritikal pa rin ang kondisyon.
Samantala, humihingi ng tulong ang pamilya sa iba’t ibang ahensya at pribadong indibidwal upang matugunan ang malaking gastusin sa patuloy na pagpapagamot ng komedyante.








