Binigyang pagkilala ang mga mag-aaral na kalahok sa katatapos na Regional Schools Press conference at National Schools Press Conference (NSPC) sa ginanap na 30th Regular Session ng 12th City Council ng Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ibinahagi ni John Jerome Santos ng Santiago City National High School, na nakakuha ng ikatlong puwesto sa Editorial Cartooning – Secondary English sa NSPC, ikinuwento nito ang kanyang walong taong paglalakbay sa kompetisyon hanggang sa tuluyang makapasok sa National level.
Ayon kay Santos, inilarawan niyang fulfilling ang pagkapanalo sa regional level at ang pagkakataong makapagrepresenta sa pambansang entablado, matapos ang mahabang preparasyon mula pa noong siya ay nasa Grade 4 at ngayon ay nasa huling taon na ng sekundarya.
Dagdag pa niya, hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan kasama ang kanyang mga kapwa student-journalist, subalit ang puspusan na pagsasanay at matagal na paghahanda ang naging susi ng kanilang tagumpay sa kompetisyon.
Ipinahayag din niya na mahalaga ang pagkatuto mula sa mga hamon at pagkabigo, at binigyang-diin na ang pagkakadapa ay bahagi ng paghubog ng isang mag-aaral upang maging mas matatag at matiyaga sa buhay.
Samantala, kinilala rin sina John Gabriel Medrano at Hanz Marco Montano sa kanilang tagumpay bilang NSPC qualifiers sa News Writing at Sports Writing (Secondary English).
Bukod sa kanila, pinarangalan din si Adriana Alexa De Vera na nakakuha ng 3rd place sa Photojournalism (Elementary English category) sa NSPC.
Matatandaang ginanap ang Regional Schools Press Conference (RSPC) noong Enero 28–31 sa Tumauini, Isabela, habang isinagawa naman ang National Schools Press Conference (NSPC) sa Ormoc City mula Abril 13–17, kung saan nakapag-uwi ng karangalan ang ilang kalahok Mula Santiago City.
--Ads--










