Umukit ng kasaysayan sa larangan ng “bioart” ang performance artist na si Stelarc matapos siyang maging unang tao na matagumpay na nakapagpatanim ng pangatlong taynga sa sariling braso.
Inabot ng higit isang dekada at tatlong plastic surgeons upang maisakatuparan ang proyektong “Ear On Arm”. Nagpasok ang mga doktor ng saline solution at silicon implant sa kanyang braso, saka inukit ang balat para maging hugis-taynga ng tao.
Higit sa pagiging palamuti, literal na nakaririnig ang nasabing taynga. Nilagyan ito ng napakaliit na mikropono sa loob upang makasagap ng tunog. Bagama’t pansamantalang tinanggal ang mikropono dahil sa impeksiyon, plano ni Stelarc na ibalik ito at ikonekta sa internet. Kapag nangyari ito, magsisilbing remote listening device ang kanyang braso, kung saan ang sinuman mula sa ibang bansa ay maaaring mapakinggan nang live ang naririnig ng kanyang taynga sa braso.
Plano rin niyang gawing Bluetooth system ang taynga kung saan ang receiver at speaker ay ilalagay sa loob ng kanyang bibig. Ayon kay Stelarc, kung may tatawag sa kanyang cell phone, makikipag-usap siya gamit ang taynga sa braso at maririnig niya ang boses “sa loob” mismo ng kanyang ulo. Kapag ibinuka niya ang kanyang bibig, maririnig naman ng mga tao sa paligid ang boses ng kanyang kausap na tila nanggagaling sa loob ng kanyang katawan.





