--Ads--

Itinalaga si Judge Joanna Korner bilang presiding judge ng Trial Chamber III ng International Criminal Court na hahawak sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng war on drugs sa kaniyang administrasyon.

Sa isang tatlong pahinang dokumento na may petsang Abril 29, inihayag ng hukuman ang desisyon na italaga si Korner bilang namumunong hukom, ilang araw matapos buuin ng ICC Presidency ang tatlong miyembrong chamber.

Ayon sa dokumento, nagkasundo ang mga hukom ng chamber, alinsunod sa umiiral na regulasyon, na piliin si Korner bilang presiding judge ng nasabing dibisyon.

Noong Abril 24, pormal na binuo ng ICC Presidency ang Trial Chamber III na didinig sa kaso laban sa 81-anyos na si Duterte. Ang kaso ay may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra droga noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng bansa.

--Ads--

Bukod kay Korner, kabilang din sa Trial Chamber III sina Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou.

Batay sa impormasyon mula sa ICC, nagsimula ang 10-taong termino ni Korner sa Trial Division noong Marso 2021 at magtatapos sa Marso 2030.