Itinalaga ng International Criminal Court (ICC) ang Trial Chamber III na hahawak sa paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng tatlong kasong crimes against humanity.
Ayon sa kautusan ni ICC President Tomoko Akane, bubuuin ang lupon ng tatlong hukom kabilang sina Judge Joanna Korner ng United Kingdom na may higit 45 taon ng karanasan sa criminal law, dating senior prosecutor sa International Criminal Tribunal for the former Yugoslavia, at pinamunuan ang paglilitis na naghatol ng 20 taong pagkakakulong kay Sudanese militia leader Ali Kushayb.
Judge Keebong Paek ng South Korea na nagsimula bilang public prosecutor, naging bahagi ng Ministry of Justice, at isa sa mga naglatag ng panukalang ratipikasyon ng Rome Statute sa South Korea.
Judge Nicolas Guillou ng France na dating Pre-Trial Judge sa Kosovo Specialist Chambers, naglabas ng arrest warrant laban kay Salih Mustafa, at nagsilbi rin sa Special Tribunal for Lebanon.
Wala sa tatlo ang kabilang sa pre-trial chamber na nagkumpirma ng mga kaso laban kay Duterte noong Abril 23, alinsunod sa patakaran ng ICC na dapat bagong bench ang hahawak sa full trial.
Ang Trial Chamber III ay tatanggap ng buong case record, kabilang ang ebidensya, transcripts, at 50-pahinang desisyon na nagkumpirma ng mga kaso. Susunod na hakbang ang pagtakda ng status conferences kasama ang prosekusyon, depensa, at mga kinatawan ng mga biktima.
Karaniwang tumatagal ng anim na buwan hanggang isa’t kalahating taon bago magsimula ang paglilitis matapos makumpirma ang mga kaso. Kapag nagsimula na, obligadong humarap si Duterte sa hukuman. Mahigit 500 kaanak ng mga nasawi sa kampanya kontra-droga ang pinayagan nang dumalo.
Ang mga kumpirmadong kaso ay sumasaklaw sa tatlong bilang ng crimes against humanity — murder at attempted murder — na isinagawa bilang bahagi ng malawak at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019, na sumasaklaw sa panahon ni Duterte bilang alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo.











